Home NATIONWIDE Ilang kalsada sa Maynila isasara sa regional athletic meet

Ilang kalsada sa Maynila isasara sa regional athletic meet

147
0

MANILA, Philippines – NANAWAGAN ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa publiko partikular na sa mga motorista hinggil sa pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada sa Maynila sa darating na Marso 3, 2026 kaugnay ng gaganaping Regional Athletic Meet sa lungsod.

Ayon sa abiso ng mga awtoridad, ipatutupad ang road closure mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon upang bigyang-daan ang aktibidad at matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok.

Kabilang sa mga kalsadang pansamantalang isasara ang bahagi ng San Andres Street na konektado sa Ma. Orosa, Jorge Bocobo, Adriatico, at Madre Ignacia Streets.

Nabatid na isasara rin ang ilang bahagi ng Adriatico Street partikular sa mga interseksyon nito sa Remedios, P. Ocampo, Asuncion, Leveriza Streets, at Quirino Avenue.

Dahil dito, naglatag ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ng mga alternatibong ruta upang hindi maipit sa trapiko ang mga motorista na daraan sa nasabing lugar.

Para sa mga sasakyang mula Taft Avenue patungong Roxas Boulevard, pinapayuhang dumaan sa San Andres Street patungong Ma. Orosa Street, kumaliwa sa Remedios Circle, at magtuloy sa Madre Ignacia Street patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga sasakyan naman na manggagaling sa Leveriza Street patungong Taft Avenue ay pinapayuhang dumaan sa San Andres Street, kumanan sa Ma. Orosa Street, saka kumanan sa Remedios Street patungo sa kanilang pupuntahan.

Samantala, ang mga manggagaling sa Julio Nakpil Street ay maaaring kumaliwa sa Adriatico Street at kumanan sa Remedios Street upang makaiwas sa isasarang bahagi ng kalsada.

Pinapayuhan din ang mga motorista na mula sa Mabini Street na magtuloy lamang northbound patungo sa kanilang destinasyon.

Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na planuhin ang kanilang biyahe at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala sa araw ng aktibidad. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here