MANILA, Philippines – Isa sa mga akusado sa kaso ng 34 nawawalang sabungero ang lumantad at nagsabing patay na ang mga biktima.
Lumantad si alyas “Totoy” na isa sa mga suspek sa kaso at sinabing handa siyang tumulong sa mga pamilya para makamit ang hustisya.
Bagama’t hindi niya diretsong sinabi na patay na ang mga biktima, iginiit niyang “malabo nang buhay pa sila.”
Ayon kay Totoy, ang mga sabungero ay pinaslang umano at itinapon sa Taal Lake, kasama ang iba pang biktima gaya ng isang drug lord.
“Paano mabubuhay yan eh nakabaon na ‘yan du’n sa Taal Lake. Lahat yan. Kung huhukayin ‘yun, mga buto buto, paano natin makilala ang mga ‘yun? ‘Di lang missing sabungero ang mga ‘yun, may iba pang tinatapon du’n, pati drug lord,” ani Totoy.
Sa kanyang salaysay, ikinuwento niyang sinakal ang mga biktima gamit ang tie wire at isinakay sa van matapos mahuling nandaraya sa sabungan. Mahigit 100 katao umano ang napatay, hindi lang ang 34 sabungero, dagdag pa niya.
Sinusuri ngayon ng Department of Justice (DOJ) ang kanyang testimonya upang tiyaking tugma ito sa ibang ebidensya.
Pahayag ng DOJ, malapit nang matapos ang kaso. Tiniyak din ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation na poprotektahan si Totoy bilang testigo. RNT