TAGAYTAY, CAVITE — Tatlo ang nasawi, kabilang ang isang buntis, habang lima ang sugatan matapos ang salpukan ng isang minivan at kotse sa Bypass Road, Barangay Zambal, Tagaytay City nitong Martes ng madaling-araw, Hunyo 17.
Ayon sa Tagaytay police, patay ang lahat ng sakay ng kotse: ang buntis na si Jenalyn, ang kanyang live-in partner, at isang kaibigan na nagmagandang-loob na ihatid siya sa ospital para magpa-check up.
Ayon sa ama ng biktima, masama na ang pakiramdam ni Jenalyn mula pa noong gabi kaya’t napakiusapan nilang ipagdrive siya.
Ang nakabangga naman ay isang minivan na minamaneho ng 18-anyos na lalaki na kinilalang si France, kasama ang apat pa niyang kaibigan na edad 17 hanggang 19.
Lahat sila ay bagong graduate ng senior high school at galing umano sa isang inuman sa Mendez, ayon sa mga sakay at imbestigador na si Patrolman Kehnwell Causaren.
Sa imbestigasyon, mabilis umano ang takbo ng minivan at pagewang-gewang pa, ayon kay PLtCol. Jefferson Ison, hepe ng Tagaytay police. “Nag-inom tapos nag-road trip, nagyayabang pa,” aniya.
Nasa ilalim ngayon ng hospital arrest si France matapos operahan sa tinamong mga sugat. Kasalukuyan siyang nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries, at damage to property.
Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang kanyang mga kasamahan. Santi Celario