MANILA — Umabot sa mahigit 35.6 tonelada ng mga abandonado at kumpiskadong kargamento ang isinailalim sa condemnation at wastong disposal ng Bureau of Customs (BOC) – Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BOC-NAIA, nasa 340 Air Waybills (AWBs) ang saklaw ng isinagawang disposal, na may tinatayang kabuuang halaga na ₱1.45 milyon.
Kabilang sa mga kargamento ang mga vape products, sirang kagamitan, pagkain, pharmaceutical products, cosmetics at iba pang general merchandise na nagmula sa iba’t ibang bansa.
Isinailalim sa condemnation ang mga naturang produkto dahil sa paglabag sa mga umiiral na batas at regulasyon sa customs, kabilang ang Republic Act No. 11900 at Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Binigyang-diin ni BOC-NAIA District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa na bahagi ng responsibilidad ng Port of NAIA ang tiyaking naaayon sa itinakdang customs procedures at umiiral na batas ang disposal ng mga abandonado at kumpiskadong produkto.
Samantala, binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng pagpapatibay sa transparency at accountability sa mga operasyon ng ahensya, lalo na sa proseso ng disposal ng mga kargamentong tuluyang napunta sa pamahalaan.
Ayon sa BOC, patuloy nitong isinusulong ang isang legal, transparent at responsableng customs operation bilang bahagi ng pagsisikap na magkaroon ng mas moderno at accountable na pamamahala sa Bureau of Customs. JAY Reyes