MANILA, Philippines – Iniutos ng Supreme Court sa Quezon City family court na simulan na ang paglilitis sa ikalawang batch ng 35 Dengvaxia cases na matagal na din nabalam dahil sa sunod sunod na pagtanggi ng mga hukom na hawakan ang kaso.
Inatasan ni SC Assistant Court Administrator Lilian Barribal-Co si Regional Trial Court Executive Judge Rosanna Fe Romero-Maglaya na isalin na ang lahat ng records ng kaso kay Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng Branch 102.
Ang unang batch ng walong kaso kaugnay sa kontrobersyal na anti-dengue vaccine ay ibinasura nitong nakaraang taon ni Judge Cleto Villacorta III ng Branch 228.
Nag-inhibit naman si Villacorta na dinggin pa ang 35 kaso.
Nai-raffle ang kaso kay Branch 86 Judge Roslyn Rabara-Tria ngunit tumanggi rin ito na dinggin ang kaso dahil ang kanyang asawa ay abugado ng dalawa sa mga respondents.
Nabatid na isang pang family court judge ang nag-inhibit sa kaso hanggang mapunta ito sa sala ni Burgos-Villavert.
“It is incumbent upon Judge Burgos-Villavert to immediately take cognizance of the cases and try the same,” nakasaad sa kautusan ni Barribal-Co.
Binigyan-diin Barribal-Co na ang rules on voluntary inhibition ay hindi bala sa mga hukom para walang habas na magpasya na ayawan ang isang kaso.
Kabilang sa mga respondent sa kaso ay si dating Department of Health secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin, ilang opisyal ng lvaccine manufacturer na Sanofi Pasteur Inc., ang vaccine distributor Zuellig Pharma at mga opisyal ng Research Institute for Tropical Medicine, Philippine Children’s Medical Center at Food and Drug Administration. TERESA TAVARES