Home NATIONWIDE 35 Pinoy inilikas kasunod ng Japan quake

35 Pinoy inilikas kasunod ng Japan quake

MANILA, Philippines- Lumikas ang 35 Pilipino mula sa kanilang mga tahanan dahil sa posibleng tsunami kasunod ng 7.6-magnitude na lindol nitong bagong taon, ayon kay Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano nitong Martes.

Inihayag ni Albano na naiulat ang mga Pilipinong lumikas mula sa Ishikawa Prefecture, na pinakaapektado ng lindol.

“Kagabi, nag-report po sa amin na merong 35 Filipinos na nag-evacute daw po sa city hall kasi after po ng tsunami warnings na na-issue kahapon,” pahayag niya sa isang panayam.

Kasunod ng lindol, nagbabala ang Japanese authorities ng posibleng tsunami na aabot hanggang limang metro sa coastal areas.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na walang Pilipinong nasawi sa lindol, base sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers (OUMWA).

“The Filipino community has been contacted and no reports of any [Filipino] casualty at this time,” anang DFA-OUMWA.

Naglabas naman ng abiso ang Philippine Consulate General sa Nagoya para sa Filipino community at nakaantabay sa mga kaganapan, batay sa DFA-OUMWA.

Mayroong 298,740 Pilipino sa Japan, kabilang ang 1,300 sa Ishikawa prefecture, anang DFA. Karamihan sa mga Pinoy sa Ishikawa ay nagtatrabaho sa mga opisina, factory, at sa agriculture sector.

Ayon naman kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnel Ignacio, binabantayan ng kanilang opisina ang sitwasyon ng mga Pilipino.

“OWWA welfare officers are also monitoring. Ishikawa prefecture and coastal areas of Toyama, Fukui, and [Hyogo] were all given tsunami warnings. All precautionary steps for safety are all being taken,” ani Ignacio.

Nasa anim na indibidwal ang namatay sa lindol, base sa ulat nitong Martes.

Napinsala sa nasabing sakuna ang mga kabahayan at imprastraktura, nagdulot ng sunog, at nagresulta sa malalaking alon sa coastal areas. RNT/SA