Home NATIONWIDE CHED: SHS Program ihihinto na sa SUCs, LUCs

CHED: SHS Program ihihinto na sa SUCs, LUCs

MANILA, Philippines- Opisyal na inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagpapatigil sa Senior High School (SHS) Program sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).

Kinumpirma ni CHED Chairman J. Prospero de Vera III ang pagpapalabas sa isang Memorandum mula sa tanggapan ng Chairperson na may petsang Disyembre18.

Nakasaad sa memorandum ang “discontinuance” ng SHS Program sa SUCs at LUCs.

Nilinaw ni De Vera na ang desisyong ito ay alinsunod sa naunang direktiba ng CHED sa pamamagitan ng CMO Nos. 32 at 33 series ng 2015 at 2016.

Tinukoy ng direktiba ang “engagement of SUCs and LUCs in basic education through senior high school shall be limited to the K-12 transition period, which is from SY 2016-2017 to SY 2020-2021 only.”

Binigyang-diin din ni De Vera na nagpalabas ang Department of Education (DepEd) ng notice sa pamamagitan ng Private Education Assistance Committee (PEAC).

Sa simula ng SY 2023-2024, wala nang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education beneficiaries mula SUCs at LUCs.

Gayunman, exempted naman ang mga papasok sa Grade 12 sa SY 2023-2024 para makumpleto ang kanilang basic education.

Ang SUCs at LUCs na may laboratory schools ay maaaring tumanggap ng enrollees subalit hindi na tatanggap pa ng vouchers.

Bilang tugon sa ganitong pagbabago, inatasan ni De Vera ang SUC Presidents at Officers-In-Charge (OICs) na dalhin ang pagpapahinto sa senior high school sa SUCs sa kani-kanilang SUC BOR (Board of Regents)/BOT (Board of Trustees).

Binigyang-diin nito na wala na umanong “legal basis” para pondohan ang SHS Program.

Idagdag pa rito, hinikayat ng CHED ang SUCs na may laboratory schools na iprisenta sa Board ang financial implications ang notice ng DepEd kaugnay sa “non-issuance of vouchers for senior high school enrollees in SUCs.”

“Additionally, they should ensure compliance with CMO No. 32 Series of 2015, which stipulates that after the K to 12 transition period, laboratory schools shall cap enrollment at 750 students,” ayon kay De Vera. Kris Jose

Previous articlePinas posibleng masapul ng 1 tropical cyclone ngayong Enero – PAGASA
Next article35 Pinoy inilikas kasunod ng Japan quake