MANILA, Philippines — Umabot na sa 35,000 ang checkpoints sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang pinaigting ng Commission on Elections (COMELEC) ang seguridad bago ang kauna-unahang parliamentary elections sa Setyembre 14.
Ayon kay COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco, nagsimula sa humigit-kumulang 8,000 hanggang 9,000 ang bilang ng checkpoints bago ito unti-unting dinagdagan kasabay ng deployment ng mas maraming tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bahagi aniya ito ng nakaplanong security measures habang papalapit ang araw ng halalan at hindi indikasyon na inaasahan ng poll body ang paglala ng election-related violence.
Sinabi rin ng COMELEC na wala pa itong natatanggap na ulat ng vote-buying, vote-selling, harassment o intimidation sa BARMM, habang isa pa lamang ang naitatalang election-related incident.
Bumaba rin umano sa humigit-kumulang 21 lugar ang nasa red category o itinuturing na election areas of concern. Nauna nang nagdagdag ng security forces sa ilang bahagi ng rehiyon bilang paghahanda sa halalan.
Tiniyak ni Laudiangco na ang mga checkpoint ay para sa seguridad ng mga kandidato at botante at dapat may malinaw na pagkakakilanlan bilang official COMELEC checkpoint, kabilang ang contact information ng election officer na maaaring lapitan para sa beripikasyon o reklamo.
Nauna nang naglabas ang COMELEC ng mga panuntunan para sa checkpoints at gun ban kaugnay ng Setyembre 14, 2026 BARMM Parliamentary Elections.
Tiniyak din ng poll body na tuloy ang halalan dahil naka-deploy na ang mga election equipment at nakumpleto na ang pagsasanay sa mga gurong at PNP personnel na magsisilbing electoral board members.
Sa araw ng halalan, nakalaan ang 5 a.m. hanggang 7 a.m. para sa priority voters gaya ng senior citizens, persons with disabilities at buntis, habang 7 a.m. hanggang 7 p.m. ang regular voting hours. Mary Anne Sapico