DAVAO CITY, Philippines — Patay ang isang alagang aso matapos umano itong saksakin ng kapitbahay ng may-ari dahil sa ingay nito sa Davao City.
Ayon kay Bunawan Police Station commander Police Major Janus Macli-ing, lumitaw sa paunang imbestigasyon na naingayan umano ang suspek sa aso bago nangyari ang insidente.
Sa ulat, itinuro ng may-ari ng aso ang kanilang kapitbahay bilang responsable sa pagkamatay ng kanyang alaga.
Itinanggi naman ng ina ng suspek ang alegasyon at sinabing hindi umano nito ugali ang manakit o pumatay ng hayop. Sinabi rin niyang handa silang harapin ang anumang kasong isasampa.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at isinailalim sa inquest proceedings kaugnay ng posibleng paglabag sa Republic Act No. 10631, na nag-amyenda sa Animal Welfare Act of 1998.
Layunin ng batas na protektahan ang kapakanan ng mga hayop laban sa abuse, maltreatment, cruelty at iba pang uri ng hindi kinakailangang pananakit.
Wala pang inilalabas na pahayag ang suspek hinggil sa alegasyon. Mary Anne Sapico