Home NATIONWIDE 359 manggagawa, MSMEs sa Soccsksargen natulungan ng DOLE ngayong 2025

359 manggagawa, MSMEs sa Soccsksargen natulungan ng DOLE ngayong 2025

290
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 359 manggagawa at micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa rehiyon ng Soccsksargen ang natulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) 12 ngayong 2025 sa ilalim ng Adjustment Measures Program (AMP).

Ayon sa DOLE-12, naglaan ang ahensya ng P7,906,081 upang tulungan ang mga negosyo na maipagpatuloy ang operasyon, maprotektahan ang trabaho ng mga empleyado, at makaangkop sa mga hamong pang-ekonomiya.

Tinukoy na 16 na establisimyento mula sa iba’t ibang sektor ang nakinabang sa programa, kabilang ang agrikultura, food processing, edukasyon, retail, serbisyo, at mga negosyong may kaugnayan sa kape.

Sa mga natulungang kumpanya, 10 ang micro enterprises, apat ang small enterprises, at dalawa ang medium enterprises.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga kooperatiba, agribusiness firms, food manufacturers, coffee shops, service providers, at mga institusyong pang-edukasyon.

Sinabi ng DOLE na nakatulong ang AMP sa pagpapanatili ng mga manggagawa, pagpapatatag ng kita ng mga negosyo, at pagpapahusay ng produktibidad sa pamamagitan ng suporta sa kagamitan, raw materials, at iba pang pangangailangang operasyonal.

Ayon kay OIC Regional Director Raymond Fel Sajor, bahagi ang programa ng mas malawak na inisyatiba ng pamahalaan para sa labor at employment recovery at sustainability habang pinangangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa.

Muli namang tiniyak ng DOLE-12 ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang pang-manggagawa at pangkabuhayan na naglalayong isulong ang disenteng trabaho, pagbangon ng mga negosyo, at pangmatagalang katatagan ng ekonomiya sa rehiyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here