MANILA, Philippines – Posibleng masawi ang nasa 40 milyong katao dahil sa mga impeksyon dulot ng drug-resistant superbugs sa susunod na 25 taon.
Ang superbugs ay ang strains ng bacteria o pathogens na naging resistant na sa antibiotics, dahilan para mas mahirap itong magamot.
Kinikilala ito bilang rising threat sa global health.
Sa pagitan ng 1990 hanggang 2021, ayon sa Lancet journal, ay mahigit isang milyong katao na ang namatay mula sa superbugs na tinatawag ding antimicrobial resistance (AMR).
Bagama’t bumaba ng mahigit 50% sa nakalipas na tatlong dekada ang pagkamatay ng mga bata edad lima pababa dahil sa superbugs, sa oras na tamaan nito ang isang bata ay mas mahirap nang gamutin ang impeksyon.
Sa nasabing panahon, tumaas naman ng mahigit 80% ang namamatay sa superbugs sa mga edad 70 pataas.
“These findings highlight that AMR has been a significant global health threat for decades and that this threat is growing,” sinabi ng study co-author na si Mohsen Naghavi ng US-based Institute of Health Metrics.
Sinuri ng mga researcher ang nasa 22 pathogens, 84 kombinasyon ng drugs at pathogens, at 11 infectious syndromes katulad ng meningitis.
Kabilang sa pag-aaral ang record ng nasa 520 milyong indibidwal sa 204 mga bansa at territories.
Inilabas ang pag-aaral bago ang high-level AMR meeting ng United Nations sa Setyembre 26.
Ang antimicrobial resistance ay isang natural phenomenon, ngunit ang overuse at misuse ng antibiotics sa mga tao, hayop at halaman ay nagdudulot ng mas malalang problema. RNT/JGC