MANILA, Philippines – Kinontra ng Department of Justice (DOJ) ang ulat na pinawalang-bisa ng korte sa Timor-Leste ang extradition case ni dating Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Bagaman hindi pinangalanan ang source ng DOJ, sinabi kamakailan ng legal counsel ni Teves na si Atty Ferdinand Topacio na pinawalang saysay ng Timor-Leste ang extradition request ng Pilipinas.
Iginiit ng DOJ na nagdesisyon na ang korte sa Timor-Leste batay sa merito ng kaso at idineklara na dapat ipatapon pabalik ng bansa si Teves para harapin ang mga kaso nito.
Naniniwala ang DOJ na nais lamang maliitin ng kampo ni Teves ang naging ruling ng Timor-Leste court dahil hindi pumabor kay Teves ang desisyon ng korte.
Binigyan-diin ng DOJ na nabigyan ng due process si Teves sa isinagawang pagdinig ng korte.
Kumpiyansa ang DOJ na pareho ang magiging desisyon ng isinasagawang bagong pagdinig.
Malinaw ang legal merits kung kaya umaasa ang DOJ na mapapabalik na sa Pilipinas si Teves para harapin ang mga kasong murder kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Nitong Hunyo ay pinaboran ng Court of Appeals sa Timor-Leste ang extradition ni Teves. TERESA TAVARES