MANILA, Phiippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado, Hulyo 26 na magpapakalat ito ng inisyal na pwersa na binubuo ng nasa 3,000 pulis sa iba’t ibang lugar sa Quezon City, isang araw bago ang ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Handang handa na po tayo. In fact, ngayong araw po ay naka-skeletal deployment na po tayo ng ating mga personnel na ide-deploy for purposes of the SONA,” sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa panayam ng DZBB.
“But ‘yung ating full deployment, madaling araw ng July 28, full force na po ang PNP,” dagdag pa niya.
Ngayong linggo lamang, sinabi ng PNP na nasa 12,000 tauhan ang ipakakalat para sa ikaapat na SONA ni Marcos bukas, Hulyo 28.
Ani Fajardo, wala pang natutukoy na seryosong banta ang PNP na may kaugnayan sa SONA.
“Sa ngayon po, wala naman po tayong nare-receive na anumang seryosong banta. Pero hindi tayo nagkukumpiyansa, lagi po tayong nakikipag-coordinate sa other law enforcement agencies particularly po sa Armed Forces of the Philippines para ma-prevent po kung mayroon man po ang mga banta po tayong na-monitor,” sinabi ng opisyal.
Ani Fajardo, may ilang tauhan ng PNP na ang ipinakalat sa Commonwealth Avenue nitong Sabado.
“Mga around 3,000 po ‘yung ide-deploy natin. Maging ‘yung mula Sandigan, papunta po doon sa Litex, ay meron na rin po tayong nakalatag at pati rito sa kahabaan ng IBP Road,” aniya.
May inilatag na ring anti-criminality measures kabilang ang mga police checkpoint at Task Force Manila Shield.
Samantala, suspendido naman ang pasok sa lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan sa Quezon City habang ipatutupad din ang liquor ban sa lungsod bukas. RNT/JGC