MANILA, Philippines — Target ng Department of Agriculture (DA) at Department of Energy (DOE) na lagyan ng digital “geofence” ang tinatayang tatlong milyong ektarya ng agricultural land upang hindi mapasok ng solar at iba pang renewable energy projects ang mga lupang mahalaga sa produksyon ng pagkain.
Iminungkahi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang digital mapping system kasunod ng pakikipagpulong kay Energy Secretary Sharon Garin tungkol sa pagpapalawak ng renewable energy capacity ng bansa nang hindi isinasakripisyo ang food security.
“Kailangang mapanatili ng bansa ang suplay ng kuryente nang hindi nalalagay sa panganib ang mga lupang nagbibigay ng pagkain sa mga hapag ng mga Pilipino,” ani Tiu Laurel.
Natukoy na umano ng DA ang mga patag na rice-growing areas na dapat manatiling nakalaan sa agrikultura. Ang susunod na hakbang ay ang pagmamapa at paglalagay ng geofence upang malinaw sa energy developers kung aling mga lugar ang restricted at kung saan maaaring itayo ang renewable energy projects.
Tutukoy rin ang DA ng 1,000 hanggang 2,000 priority agricultural sites na ihahambing sa listahan ng existing at awarded energy projects ng DOE upang maiwasan ang pag-o-overlap ng paggamit ng lupa.
Kasabay ng pagprotekta sa mga sakahan, pinag-aaralan din ng dalawang ahensya kung paano direktang makikinabang ang mga magsasaka at mangingisda sa mas murang renewable electricity.
Kabilang sa maaaring makinabang ang irrigation systems, rice mills, post-harvest facilities, cold storage, slaughterhouses, farms, hatcheries at iba pang food production facilities na malaki ang ginagastos sa kuryente.
Inatasan sina Agriculture Undersecretary Roger Navarro at Energy Undersecretary Rowena Cristina Guevarra na bumuo, kasama ang Energy Regulatory Commission (ERC), ng “farm-to-energy framework” para rito.
Target ng DA at DOE na lagdaan sa Oktubre ang memorandum of agreement na magpapormal sa kanilang koordinasyon.
Nauna nang nagpatupad ang DA ngayong taon ng mga hakbang upang higpitan ang land-use reclassification at maprotektahan ang agricultural production areas laban sa hindi makontrol na land conversion, bagama’t binigyan ng limitadong exemption ang mga renewable energy project na may kaukulang certification. Santi Celario