MANILA, Philippines – Aabot sa 4.5 milyong struggling learners sa Pilipinas ang nakitaan ng pag-unlad sa literacy at numeracy, ayon sa Department of Education (DepEd) noong Miyerkules, bunsod ng mga learning recovery program ng gobyerno.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, patuloy ang ahensya sa remediation at learning recovery mula sa basic education upang matiyak ang kahandaan ng mga magtatapos sa trabaho at sa mas mataas na antas ng edukasyon. Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon at kapakanan ng mga mag-aaral.
“Our goal is to strengthen the entire learning recovery pipeline, from the earliest grades through senior high [school], so that early literacy success translates into lasting proficiency and genuine readiness for the world beyond graduation,” ayon kay Angara.
Batay sa resulta ng Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), Rapid Math Assessment (RMA), at Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) para sa School Year 2025–2026, bumaba ang bilang ng struggling readers sa 2.2 milyon mula 6.7 milyon sa simula ng school year.
Kasama rito ang mga mag-aaral na nangangailangan ng agarang tulong sa phonemic awareness, decoding, at simpleng comprehension.
Pinakamalaking pag-unlad ay nakita sa Grades 1–3 (33%), sinundan ng Grades 7–10 (28%), at Grades 4–6 (16%). Tumaas din ang bilang ng “grade-level ready” readers sa 5.8 milyon mula 3.3 milyon.
Sa Mathematics naman, halos kalahati ang ibinaba ng “not or low proficient” learners, mula 13 milyon patungong 6.8 milyon. Bumaba rin ang “emerging learners” sa iba’t ibang grade levels, kabilang ang 46% sa Grades 1–3, 44% sa Grades 4–6, at 18% sa Grades 7–10.
Pangako ng DepEd na ipagpapatuloy ang mga interbensyon, lalo na sa high school level, habang binibigyang-diin din ang kahalagahan ng dekalidad na pagtuturo sa gitna ng paparating na three-term school calendar shift. RNT/MND