NORTH COTABATO, Philippines – Isang na-trap na Philippine serpent eagle ang nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Kidapawan, North Cotabato.
Agad isinuko ng mga tauhan ng BJMP ang agila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa wildlife biologist na si Jelaine Gan, ang Philippine serpent eagle ay isang medium-sized na ibong mandaragit na makikita sa Pilipinas maliban sa Palawan. Kilala ito sa pagkain ng ahas, palaka, daga, at iba pang maliliit na hayop.
Bagama’t nasa “Least Concern” category ng IUCN Red List, protektado pa rin ito sa ilalim ng RA 9147 o Wildlife Act, na nagbabawal sa paghuli at pag-aalaga ng mga ligaw na hayop.
Samantala, isa ring Eastern grass owl ang nasagip ng isang residente sa Lake Sebu. May sugat ito sa pakpak na hinihinalang dulot ng tirador. Ito ay ginamot at inilipat sa DENR Wildlife Rescue Center sa Sultan Kudarat. RNT/MND