COTABATO, Philippines – Apat na tao ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang entrapment operation sa Cotabato province dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng mga baril.
Ayon kay Lt. Juaren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Provincial Police Office, kabilang sa mga naaresto ang isang aktibong sundalo ng Philippine Army na si Pfc. Jay Clinton Delgado Paguntalan, 30, at isang dating sundalo na si Sarif Dasil Mungkas, 35.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Military Intelligence Battalion at lokal na pulisya sa Barangay Lika, M’lang bandang 3:30 ng hapon.
Nasamsam sa mga suspek ang tatlong M16 rifle at buy-bust money na nagkakahalaga ng PHP200,000.
Sinabi ng CIDG na patuloy pa nilang inaalam kung bahagi ng mas malaking sindikato ang mga suspek.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at gun ban ng Commission on Elections sa ilalim ng Omnibus Election Code sa Provincial Prosecutor’s Office sa Kidapawan City.
Pinuri naman ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army ang pagkakaaresto sa mga suspek. RNT/MND