Home METRO 4 arestado sa pambubugaw sa mga minor

4 arestado sa pambubugaw sa mga minor

MANILA, Philippins- Apat na indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation – Ilocos Regional Office (NBI-IRO) sa San Fernando City, La Union dahil sa pambubugaw sa mga menor-de-edad.

Sa impormasyon mula sa Project Rescue Children Philippines Inc. (PRC), natuklasan ang trafficking activities ng isang indibidwal na nag-aalok ng mga menor-de-edad para sa sexual services kapalit ng bayad na nagkakahalaga mula P2,500 hanggang P3,500.

Nadiskubre rin na ang nasabing mga indibidwal ay tumatanggap ng komisyong P500 bawat babae at ang mga biktima na inaalok ay nasa edad 14 hanggang 17.

Nag-aalok din umano ang nasabing mga indibidwal ng ilegal na droga tulad ng marijuana at umano’y party drugs.

Ayon sa NBI, sa pakikipag-ugnayan sa ibang government agencies, nagsagawa ng rescue at entrapment operation ang NBI-IRO na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na indibidwal habang nasagip ang 10 biktima.

Walo sa mga biktima ang menor-de-edad base sa dental aging examination na isinagawa sa mga biktima.

Inilipat na sa kustodiya ng DSWD ang mga biktima ng trafficking.

Gayunman, tatlo sa naarestong suspek ay napag-alaman ng NBI-IRO na menor-de-edad din dahil sa dental aging examination kaya sila ay itinurn-over din sa DSWD.

Isinailalim naman sa inquest proceedings sa City Prosecutor ng San Fernando, La Union ang mga nasa hustong gulang na suspek para sa pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Cybercrime Law at Anti-Trafficking in Person Act of 2003. Jocelyn Tabangcura-Domenden