Home METRO 4 barangay tanod sa Las Piñas sinampahan ng kasong murder

4 barangay tanod sa Las Piñas sinampahan ng kasong murder

MANILA, Philippines- Apat na barangay tanod ang nahaharap sa kasong murder kaugnay sa pagkamatay ng isang lalaking natagpuang lulutang-lutang sa isang creek sa lungsod nitong nakaraang linggo.

Hindi pinangalanan ng pulisya ang apat na barangay tanod na kasalukuyang nasa kustodiya ng Las Piñas City police habang pinaghahanap pa ang iba pang mga kasamahan nito na may kaugnayan sa pagkamatay ng biktimang si Gerico Rocabo, 24.

Sinabi ni Las Piñas police chief P/Col. Jaime Santos, base sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ni Rocabo ay asphyxia by strangulation ang ikinamatay ng biktima dahil sa nakitang bakas sa kanyang leeg at maraming pasa sa kanyang katawan matapos maiahon ang bangkay nito na walang suot na pang-itaas at lumulutang sa C5 creek sa Barangay Manuyo Uno sa lungsod noong Disyembre 27.

Ayon kay Santos, base sa nakalap na impormasyon sa pangyayari gayundin sa salaysay ng mga nakasaksi pati na rin sa kanilang nakuhang kopya ng CCTV footage ay nagpapakita na marami silang mga tanod na may hawak sa biktima bago ito mamatay.

Nakita rin sa CCTV footage na isinakay pa sa isang stainless na tricycle na service patrol ng barangay ang biktima para isailalim sana ito sa medical test ngunit yun na ang huling pagkakataon na nakitang buhay ang biktima.

Pinatunayan din ng isang saksi na nakita niya ang dalawang barangay tanod na nagsakay sa biktima sa patrol vehicle ng barangay bago naiulat ang pagkamatay nito kinabukasan.

Kasabay nito ay hinikayat na rin ni Santos ang iba pang nakasaksi sa pangyayari upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.

Napag-alaman din ng pulisya na ang biktima ay isa palang magnanakaw sa kanilang lugar na na hindi naman itinanggi ng pamilya nito.

Sa panig naman ng pamilya ng biktima, bagama’t may pagkakamaling nagawa ang biktima ay hindi dapat pinatay ito bagkus ay idiniretso na lamang sana sa presinto at sinampahan ng kaukulang kaso.

Samantala, pinagkalooban ng pansamantalang kalayaan ng piskalya ang nasabing mga barangay tanod.

Ito ang napag-alaman at kinumpirma ni Santos na nagsabing nakalabas na ng kulungan ang mga suspek matapos ilabas ng piskalya ang kanilang desisyong ‘release for further investigation.’

Sinabi ni Santos na nakulangan umano ang city prosecutor sa isinumite nilang ebidensya.

Ayon pa kay Santos, alam nilang malakas ang kanilang isinumiteng ebidensya para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek na kanilang ikinabigla matapos maglabas ng kautusan ang piskalya ng pansamantalang kalayaan ng mga ito.

Dagdag pa ni Santos, hindi ibig sabihin nito na lusot na ang mga suspek sa kaso dahil itinakda ng piskalya ang pagdinig ng kaso sa darating na Enero 8 kung saan muli silang magsusumite ng karagdagang ebidensya para palakasin pa ang mga kaso laban sa mga suspek.

Bukod sa apat na pinalayang suspects ay tinitingnan pa rin ng pulisya ang partisipasyon ng anim pang kasamahan ng mga ito sa umano’y pagpatay sa biktima.

Samantala, ikinadismaya naman ng pamilya ng biktima ang naging desisyon ng piskalya kasabay ng kanilang pangambasa kanilang seguridad na baka sila balikan ng mga suspek.

Umaasa rin ang pamilya ng biktima na mapagkakalooban sila ng proteksyon dahil sa kanilang kinahaharap na panganib ng buhay. James I. Catapusan

Previous article14 sugatan sa jeep na nahulog sa creek
Next articleVietnamese national timbog sa ilegal na droga sa Pasay