MANILA, Philippines – Ginawaran ng Medalya ng Papuri ang apat na magigiting na tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bilang pagkilala sa kanilang mahigpit na pagbabantay at matagumpay na pagharang sa mga ilegal na droga at kontrabandong tinangkang ipuslit sa loob ng mga piitan.
Kaugnay nito kinilala ng BJMP ang kahusayan at katapatan sa tungkulin nina:
• JO1 Mark Lester Saladino (NCR) – Matagumpay na nakasamsam ng isang sachet ng shabu na tumitimbang ng 1.080 gramo mula sa isang lalaking bisita na nagtangkang magpuslit nito sa Manila City Jail-Female Dormitory.
• SJO3 Ariel Morañon at JO1 Queenie Ann Mae Ponpon (Region 8) – Naharang ang dalawang pad na dahon ng tabako na itinago sa panloob na kasuotan (brassiere) ng isang bisita sa Carigara District Jail.
• JO1 Margel M. Villaro (Caraga) – Nasabat ang 0.4337 gramo ng shabu na itinago sa waistband ng isang bagong commit na Person Deprived of Liberty (PDL) sa Butuan City Jail-Male Dormitory.
“Simple lang ang kanilang ginawa: sinunod nila ang tamang pamamaraan, at hindi sila natakot gumawa ng tama kahit walang nakatingin. Iyan ang uri ng kahusayan na gustong makita ng ating pamunuan sa bawat isa sa atin, oras-oras, araw-araw,” pahayag ni BJMP Chief Jail Director Efren A Nemeño.
Ayon sa pamunuan ng BJMP, ang sunud-sunod na pagkakasabat sa mga kontrabandong ito ay malinaw na patunay sa epektibong pagsasanay at kahandaan ng mga jail officer na protektahan ang mga pasilidad.
Kasabay ng mas pinaigting na seguridad, patuloy ding isinusulong ng ahensya ang makataong pamamalakad o humane safekeeping. Tiniyak ng kawanihan na pantay-pantay ang pagtrato sa bawat Person Deprived of Liberty (PDL) at walang puwang ang anumang VIP treatment sa loob ng mga piitan.
Samantala mariing nagbabala ang BJMP sa publiko na may kaukulang kasong kriminal na kakaharapin ang sinumang magtatangkang magpuslit ng kontrabando sa loob ng piitan. Ang mga hakbang na ito ay sumasalamin sa tapat na layunin ng ahensya na mapanatili ang kaayusan at mahigpit na seguridad, na siya namang susi tungo sa tuluy-tuloy at epektibong rehabilitasyon ng bawat PDL. (Santi Celario)