MANILA, Philippines – Nasagip ang dalawang Vietnamese na babae mula sa apat na lalaking Chinese na miyembro umano ng kidnap-for-ransom group at crime syndicate sa mga POGO company.
Sa ulat, isinagawa ang operasyon ng Parañaque City Police at SWAT na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek sa condo sa Parañaque.
Nakuha ng mga awtoridad ang tatlong baril na may silencer, at ilang party drugs kasama ang dalawang bihag na Vietnamese.
Napag-alaman sa imbestigasyon na nagpapanggap ang mga suspek na mga kliyente ng biktima, na may money-changing business, at pwersahang ia-access ang kanilang digital wallet.
“During the time she stayed there in the suspect[‘s] residence, they abused her, put a gun on her and also [a] knife on her body to force her to send the money,” paglalahad ng biktima sa panayam ng GMA News.
Ninakaw din ng mga suspek ang pera ng biktima kasama ang mga alahas, at pinipwersa ang mga kaanak ng mga ito na tubusin ang mga biktima.
“Nakapagnakaw sila ng jewelries. Nakapagpa-withdraw sila ng about P20 million. Ang modus nila dito, nag-aabduct sila, particularly preying on POGO officials… POGO employees or foreign nationals, Vietnamese, Cambodian, or Chinese nationals,” ayon kay NCRPO Regional Director Major General Jose Melencio Nartatez Jr.
Nagawang makatakas ng ibang mga biktima na siyang nakahingi ng tulong.
Ang mga suspek ay miyembro umano ng sindikato na nagsisilbing “muscle” ng POGO companies at inaatasang mandukot ng mga dayuhan.
Sinabi ng mga suspek na nagtrabaho sa Pilipinas bilang POGO workers sa nakalipas na tatlong taon.
Sa mas malalim pang imbestigasyon, napag-alaman na ang mga suspek ay may apat na kaso ng rape at kidnapping sa Southern Metro Manila, habang isa sa mga ito ay wanted sa China dahil sa rape, murder, kidnapping, human trafficking at extortion.
Patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang suspek na nagawang makatakas kasama ang iba pang mga miyembro ng sindikato. RNT/JGC