Home NATIONWIDE 4-day work week ipatutupad sa Manila City Hall

4-day work week ipatutupad sa Manila City Hall

238
0

MANILA, Philippines – NAGLABAS ng kautusan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na magpapatupad ng apat na araw na pasok kada linggo sa pamahalaang lungsod ng Maynila, kasabay ng mas mahabang oras ng trabaho mula Lunes hanggang Huwebes.

Sa kanyang “Talk to the People” public broadcast nitong Lunes, Marso 9, sinabi ni Domagoso na ang hakbang ay bahagi ng pagtitipid sa enerhiya ng pamahalaan kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis sa world market dahil sa tensyon sa Middle East.

Nilagdaan ng alkalde ang Executive Order No. 8, Series of 2026, na nagtatakda ng condensed work schedule para sa mga departamento, tanggapan, bureaus at iba pang sangay ng Manila city government.

Sa ilalim ng kautusan, bukas ang mga opisina ng city hall mula Lunes hanggang Huwebes lamang, na may extended working hours tulad ng 7:00 a.m. hanggang 6:00 p.m. o 8:00 a.m. hanggang 7:00 p.m.

Samantala, suspendido ang regular na operasyon tuwing Biyernes, maliban sa mga tanggapan na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa publiko.

Ayon sa alkalde, tugon ito sa Memorandum Circular No. 114 na nilagdaan ni Ferdinand R. Marcos Jr. noong Marso 6 na nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng energy conservation measures.

Ani Domagoso, layunin ng polisiya na mabawasan ang konsumo ng gasolina, mapababa ang gastos sa operasyon at maibsan ang trapiko, habang tuloy pa rin ang serbisyo sa publiko.

Gayunman, nilinaw ng alkalde na mananatiling bukas ang mga frontline services tulad ng emergency response units, health services, sanitation operations, public markets at water pumping stations.

Magpapatupad umano ang mga tanggapan na ito ng rotational schedule ng mga empleyado upang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo kahit may compressed work week.

Hinimok din ni Domagoso ang mga negosyo, barangay officials at mga pamilya na makiisa sa pagtitipid sa enerhiya habang kinakaharap ng bansa ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

“Napakahirap ng sitwasyon sa mundo ngayon kaya kailangan nating magtulungan at magkaisa,” pahayag ng alkalde sa mga residente ng Maynila. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here