Home NATIONWIDE 4 dayuhan, arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng BI

4 dayuhan, arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng BI

185
0

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na dayuhan sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon dahil sa paglabag ng mga ito sa batas imigrasyon ng Pilipinas.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga pag-aresto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higpitan ang pagpapatupad ng immigration laws laban sa mga dayuhang lumalabag sa kanilang visa.

Nabatid sa BI na unang nasakote noong Pebrero 12 sa Camp Fort Magsaysay ang South African na si Faaiz Ameer Garnie, 32-anyos. Nahuli itong nagtatrabaho bilang project manager sa kumpanyang hindi niya petitioning employer na labag sa kondisyon ng kanyang 9G working visa. Wala rin itong naipakitang pasaporte at immigration documents nang inspeksyunin.

Kasunod nito, natimbog din sa parehong operasyon ang Pakistani national na si Imran Khattak, matapos mahuling nagtatrabaho bilang operations specialist kahit walang valid working visa.

Samantala, sa hiwalay na operasyon noong Pebrero 13 sa Iloilo, arestado naman ang dalawang Chinese nationals na sina Wang Jiabai, alyas Kevin Wang, 43-anyos, at Wang Libi, alyas Lisa, 46-anyos.

Nadakip si Wang Jiabai sa Balasan matapos mapatunayang nagpapatakbo ng negosyo kahit paso na ang kanyang visa. Samantala, si Wang Libi ay nahuli sa Barotac Nuevo matapos matuklasang nagtatrabaho sa kumpanyang hindi rin niya petitioning employer at walang maipakitang valid passport at immigration documents.

Dinala ang apat sa kustodiya ng BI Warden Facility habang nakabinbin ang kanilang deportation proceedings.

Iginiit ni Viado na mananatiling mahigpit ang BI laban sa mga dayuhang lalabag sa batas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here