Manila, Philippines — Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tatlo hanggang apat na testigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kasalukuyang nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ), kaugnay ng kasong iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Remulla, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang matiyak ang seguridad ng mga testigo habang sila ay nasa bansa.
“Hanggang dito lang sa Pilipinas. Siyempre, pagdating doon (ICC), kanila na ’yan. Pero habang nandito ’yan, we exhaust our obligation to them. If we can protect witnesses for other cases, why not in this case,” ani Remulla.
Ibinunyag din ng kalihim na inaasahang madaragdagan pa ang mga isasailalim sa nasabing proteksyon.
Tiniyak din niya na ang ginagawang kooperasyon ng DOJ sa ICC ay hindi nangangahulugang binabawi ng Pilipinas ang pagkalas nito sa Rome Statute—ang kasunduang lumikha sa ICC. Giit ni Remulla, bahagi ito ng obligasyon ng pamahalaan matapos nitong ipaubaya sa ICC ang pag-uusig sa mga kaso.
“We already chose not to pursue the cases and let the ICC pursue these cases. Given that, it also becomes our obligation to help them because we are giving up our jurisdiction for their jurisdiction,” paliwanag ng kalihim.
Samantala, hindi diretsong sinagot ni Remulla kung muling sasapi ang Pilipinas sa Rome Statute, ngunit aniya, ito ay isang desisyong kailangang pag-isipan ng buong bansa. Teresa Tavares