MANILA, Philippines- Nadakip ng mga pulis ang apat na high-value individuals (HVI) at nasabat ang mahigit P6.8 milyon halaga ng shabu sa isang sting operation sa lalawigan ng Rizal noong Miyerkules ng gabi.
Inihayag ni Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) chief Brig. Gen. Eleazar Matta nitong Huwebes na ang mga suspek na sina alyas “Oski”, 40; “Verly”, 33; “Sittie”, 32 at “Jesus”, 50, ay naaresto bandang alas-10 ng gabi sa Sitio Malabon, Barangay San Juan sa bayan ng Taytay.
Narekober mula sa mga suspek ang anim na transparent plastic bags at dalawang heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng 1.01 kg. ng shabu at iba pang non-drug evidence.
Ani Matta, ang nasabing mga suspek ay mga distributor ng shabu sa lalawigan ng Rizal at mga kalapit na lugar, kabilang ang Metro Manila.
Ang nahuling mga suspek at nakumpiskang ebidensya ay pansamantalang nasa kustodiya ng PDEG Special Operations Unit 4A (Calabarzon). RNT/SA