BATANGAS — Apat na paaralan sa Batangas City at bayan ng Balayan ang nakatanggap umano ng bomb threats sa pamamagitan ng social media nitong Martes, Agosto 25, ayon sa ulat ng pulisya.
Kabilang sa mga paaralang nakatanggap ng pagbabanta ang Batangas City Integrated High School (BCIHS), Balayan National High School, Balayan East Central School at Immaculate Conception College sa Balayan.
Nagdulot umano ng takot at pagkaalarma sa mga estudyante at personnel ng mga paaralan ang mga mensaheng nagbabanta ng pagpapasabog.
Agad namang rumesponde ang Provincial Explosives Canine Unit at nagsagawa ng security inspection at bomb sweep sa mga paaralan.
Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang pinagmulan ng mga mensahe at kung sino ang nasa likod ng mga pagbabanta.
Wala pang inilalabas na impormasyon ang mga awtoridad kung may nakitang explosive device sa isinagawang inspeksyon.
Nauna nang nakaranas ang Batangas City Integrated High School ng hiwalay na online shooting threat noong Hunyo, dahilan upang pansamantalang suspindihin noon ang onsite classes habang nagsasagawa ng security assessment ang mga awtoridad. Mary Anne Sapico