MANILA, Philippines — Pormal nang inihain sa House of Representatives ang P7.2-trilyong General Appropriations Bill (GAB) para sa 2027, ang pinakamalaking panukalang pambansang budget sa kasaysayan ng bansa.
Inihain ni House Committee on Appropriations chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing ang House Bill No. 10858 nitong Miyerkules, Agosto 26.
“Patuloy po ang inyong lingkod sa pagtitiyak ng masusing pagsusuri ng pambansang budget para sa taong 2027,” ani Suansing.
Ang panukalang batas ay nakabatay sa P7.2-trilyong National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso noong Agosto 11.
Pinakamalaking bahagi ng proposed budget ang mapupunta sa Department of Education na may P976 bilyon, habang P644 bilyon naman ang panukala para sa Department of Public Works and Highways.
Nasa P353.8 bilyon naman ang panukalang pondo para sa health sector, kabilang ang Department of Health, specialty hospitals at PhilHealth.
Kabilang din sa malalaking allocations ang P332.5 bilyon para sa Department of the Interior and Local Government, P328.8 bilyon para sa Department of National Defense, P302.2 bilyon para sa transport sector at P261.7 bilyon para sa agriculture sector.
Patuloy na sinusuri ng House Committee on Appropriations ang panukalang pondo ng bawat ahensya bago dalhin ang GAB sa plenaryo para sa deliberasyon at pag-apruba.
Nauna nang sinabi ni Suansing na target ng Kamara na matapos ang proseso at maipasa ang panukalang budget sa third at final reading sa loob ng itinakdang 53-araw na timetable.
Tiniyak din ng House leadership na ipagpapatuloy ang transparency measures sa budget process, kabilang ang paggamit ng Budget Amendments and Review Subcommittee at livestreaming ng bicameral conference committee deliberations.
Kapag naaprubahan ng Kamara, daraan pa ang GAB sa Senado bago pagsamahin ang bersyon ng dalawang kapulungan at ipadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa paglagda. RNT