MANILA, Philippines — Isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang posibleng maging tropical depression sa loob ng susunod na 48 oras, ayon sa PAGASA nitong Huwebes, Agosto 27.
Kapag tuluyang naging tropical cyclone habang nasa loob ng PAR, tatawagin itong “Pilandok,” ang susunod na pangalan sa listahan ng PAGASA.
Bandang alas-3 ng madaling araw, namataan ang LPA, na tinukoy bilang LPA 08i, sa layong 1,030 kilometro silangan ng Northern Luzon.
Ayon kay PAGASA weather specialist Leanne Loreto, kumikilos ang weather disturbance pahilaga sa Philippine Sea at inaasahang kalaunan ay liliko pa-kanluran-hilagang-kanluran patungong Taiwan.
Sa kasalukuyang forecast, mababa ang posibilidad na direktang tumama sa bansa ang LPA ngunit maaari nitong palakasin ang Habagat, na magdadala ng mas maraming ulan sa Luzon at western section ng Visayas sa mga susunod na araw.
“Posibleng maging bagyo itong LPA within the next 48 hours at kung maging bagyo dahil nasa loob na ito ng PAR, tatawagin itong Pilandok,” ani Loreto.
Ngayong Huwebes, inaasahan ang 50 hanggang 100 millimeters na ulan sa Zambales at Occidental Mindoro.
Sa Biyernes, Agosto 28, posible naman ang moderate to heavy rains sa La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
Mas lalakas pa ang epekto ng Habagat pagsapit ng Sabado, Agosto 29, kung kailan maaaring umabot sa 100 hanggang 200 millimeters ang ulan sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
Maaari ring makaranas ng moderate to heavy rains ang Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite at Batangas.
Ayon sa PAGASA, Sabado at Linggo ang kritikal na mga araw dahil inaasahang higit pang lalakas ang Habagat habang kumikilos ang LPA.
Pinag-iingat ang publiko sa mga lugar na madaling bahain at gumuho ang lupa dahil maaari pang lumala ang epekto ng ulan, lalo na sa mga lugar na nakaranas na ng magkakasunod na pag-ulan.
Sa 5 a.m. regional forecast nitong Agosto 27, nakapagtala rin ang PAGASA ng moderate to strong southwest winds at moderate to rough coastal conditions sa Northern Luzon. Santi Celario