MANILA, Philippines – Apat na kabataan ang binugbog ng mga kapwa kabataan sa insidente ng fraternity hazing sa Oton, Iloilo.
Ayon sa ulat, ang mga biktima ay piniringan at pinalibutan ng mga kabataan saka binugbog sa Oton Catholic Cemetery noong Linggo.
Nang matumba na ang mga biktima ay sinipa naman ito ng mga iba pang kabataan.
Nakita ng caretaker ng sementeryo ang nasa 15 kabataan na sangkot sa umano’y hazing.
Agad naman na tumakas ang mga ito nang sitahin.
Ayon sa Barangay Poblacion South, ang mga teenager ay hindi residente ng barangay at posibleng mga miyembro ng isang gang.
“First time itong nangyari sa hindi natin alam kung rambol yun o isa sa mga initiation sa mga sumasali sa kanilang grupo,” pahayag ni Barangay Poblacion South kagawad Raffy Dela Druz.
Matapos ang insidente ay siniguro ng barangay na palalakasin nila ang seguridad sa sementeryo.
Samantala, iniimbestigahan na rin ng pulisya ang insidente. RNT/JGC