MANILA, Philippines – NANUMPA sa harap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si dating UnionDigital Bank president at chief executive officer Henry Rhoel Aguda bilang bagong Kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa isang social media post, kumpiyansa si Pangulong Marcos sa kakayahan ni Aguda na pangunahan ang departamento tungo sa pagkamit ng mga layunin na gawing modernisado ang technological infrastructure ng bansa.
“Sa pamumuno ni Secretary Aguda, tiwala akong mas mapapabilis ang digital transformation ng bansa,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Hangad nating makinabang ang bawat Pilipino sa mga oportunidad ng makabagong teknolohiya,” anya pa rin.
Nito lamang nakaraang linggo, inanunsyo ng Malakanyang ang appointment ni Aguda.
Pinalitan ni Aguda si Ivan John Uy na nagbitiw sa puwesto nitong unang bahagi ng buwan.
Bago pa ang kanyang appointment, si Aguda ay nagsilbi bilang Digital Infrastructure Lead sa Private Sector Advisory Council (PSAC), isang konseho na may tungkulin na tulungan ang administrasyong Marcos na pangalagaan ang innovative synergies sa pagitan ng private at public sectors. Kris Jose