MANILA, Philippines – Kinwestyon ng Malakanyang nitong Martes, Marso 25, ang bomb threat sa Office of the Vice President (OVP), at sinabing dapat maglabas ng impormasyon ang opisina kaugnay ng insidente.
Sa press briefing, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kung may dahilan ba ang publiko na maalarma sa insidente noong Lunes.
“Ito po tayo ulit. Saan na naman po ito nakuha na pagbibintang? Threat, bomb threat sa office ng OVP, ng Vice President? Ano po ang isinagawa nila? Kung iyan naman po ay nanggaling sa kanila, ano po ang nangyari? Ipakita po nila iyong detalye,” ani Castro.
“Iyon lamang po kasi maraming puwedeng gumawa ng kuwento, maraming magsabi may bomb threats pero wala naman,” dagdag niya.
Matatandaan na sinuspinde ang pasok sa Office of the Vice President kasunod ng umano’y bomb threat.
“Fortunately, no explosive devices were found, and the OVP resumed operations at 4 p.m.,” dagdag pa.
Inatasan ang mga tauhan ng OVP na magtungo muna sa kalapit na Robinsons Cybergate Plaza sa Mandaluyong City matapos iulat ng isang staff member na nakatanggap siya ng text message na naglalaman ng bomb threat.
Nang hingan naman ng komento, sinabi ni Duterte na ang OVP ay may sinusunod na protocol kaugnay nito.
“Mayroon na po kaming standard operating procedures kapag mayroong mga ganito, bomb
threats in the office. And they did exactly that, kung ano yung sistema. Nag-evacuation po kami ng aming mga employees. At iniimbestigahan din namin yung nagsabi na nakatanggap siya ng bomb threat,” ayon kay VP Sara. RNT/JGC