MANILA, Philippines- Sinampahan na ng qualified theft charges sa Department of Justice (DOJ) ang apat na indibidwal dahil sa pagnanakaw ng mga iPhone na nagkakahalaga ng P25.6 milyon mula sa Productivity Technology Services, Inc. (PTSI), sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes, Agosto 16.
Kinilala ng NBI ang mga kinasuhan na sina PTSI account executive Joriz De Guzman Managa; Kim Bustamante Dela Cruz, ang accredited supplier ng PTSI; PTSI logistics supervisor Richard Candido Alegonza; at PTSI accounting staff Vina Liza Abon Garillo kasintahan ni Managa.
Ayon sa NBI, sila ay kinasuhan ng qualified theft thru falsification of commercial documents.
Idinagdag nito na sina Managa at Dela Cruz ay kinasuhan din ng paglabag sa Anti-Money Laundering Act.
Sinabi ng NBI na ang kaso ay isinampa matapos na ang Productivity Technology Services, Inc. (PTSI), isang kompanyang nakikibahagi sa negosyo ng pangangalakal ng computer hardware, software, electronic gadgets, at iba pang kaalyadong serbisyo, ay nagsampa ng maraming reklamo sa NBI para sa pagnanakaw ng mga iPhone ng PTSI sa kabuuang halaga na P25,669,900.
Sinabi nito na nakita sa mga resulta ng pagsisiyasat na mayroong ilang hindi awtorisadong transaksyon sa pagbili sa pamamagitan ng mga pekeng order, ghost deliveries, at re-directed delivery na ginawa ni Joriz De Guzman Managa, Account Executive ng PTSI sa pakikipagsabwatan kina Kim Bustamante Dela Cruz, regular na supplier ng PTSI kinikilala bilang Wil-Son Choy/AKJ Gadgets Shop; Richard Candido Alegonza, PTSI’s Logistics Supervisor; at Vina Liza Abon Garillo, PTSI’s Accounting Staff, kasintahan ni Joriz D. Manga. Jocelyn Tabangcura-Domenden