GENERAL SANTOS CITY – Nilangayoy ni FJ Catherine Cruz ng Mabalacat City ang matamis na pang-apat na gintong medalya sa swimming competition sa 16th Batang Pinoy – Philippine National Youth Games 2025 sa Antonio Acharon Sports Complex.
Nakuha ni Cruz ang pang-apat na ginto matapos itala ang 1:07.93 minuto sa 100m backstroke event na inorganisa ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni Chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Humablot naman ng silver si Maxine Hayley Uy ng Bacolod City (1:08.70) habang si Kristine Jane Uy ng Manila ang kumuha ng bronze medal (1:10.10).
Matatandaang unang nakakuha ng ginto si Cruz sa 100m Freestyle at 50m backstroke sa Day 1 at 200m backstroke sa Day 2.
Ang ibang tankers na lumangoy ng apat na ginto ay sina Nuche Veronica Ibit ng Aklan, Sophia Rose Garra ng Malabon at pambato ng City of Manila, Patricia Mae Santor.
Nasungkit ni Garra ang pang-apat na ginto nang magwagi sa girls 12-13 100m backstroke, silver medal si Jordane Porche ng City of Manila habang bronze ang nauwi ni Arinna Lim ng Iloilo.
Pakitang gilas din ang dalawang taga City of Butuan na sina Airielle Ashley Lape at Charlagne Jeen Luna matapos nilang sumikwat ng tig isang ginto sa Forms Competition – Traditional sa Arnis/Eskrima event.
Nakopo ni Lape ang gold sa girls 12-13 Traditional Individual Single Weapon habang sa girls 14-15 naman nanalo si Luna.
Sa athletics, nahablot naman ni Kian Labar ang gold sa U18 Boys 100m ng Iloilo, silver si Bacolod bet Renz James Solomon habang bronze ang nakolekta ni Prince Gemil Cuyos ng City of Quezon.RICO NAVARRO