DAVAO CITY – SUGATAN ang apat na rider matapos magkarambola ang anim na motorsiklo sa gitna ng kalsada na sakop ng Davao-Bukidnon Road sa Km 21, Barangay Los Amigos, Tugbok District, Davao City, iniulat kahapon, Hunyo 30.
Kinilala ang mga sangkot sa aksidente na sina Khoji Beau Agbayani Kwok, 21, driver ng Yamaha Nmax ABS BKT2 (matte dark gray/black), plate no. L316BG, residente ng Block 5 Lot 35, Fortune Homes, Lanang; Patrick Faith Caduada Guerrero, 23, driver ng Yamaha Mio Aerox S BRW (matte black), plate no. 112MUB, sa ngalan ni Allen C. Guerrero, mula New Washington Village, Ma-a; Cyrel Robledo, 22, driver ng Yamaha Nmax ABS BKT3 (dark blue/matte black), plate no. L916GA, Orlando San Juan Olden, mula Phase 5, Doña Asuncion, Dalia St., Pampanga, Davao City; Robert Bryan Tengson Sagabaen, 22, driver ng Yamaha Nmax ABS BKT4 (dark blue/matte black), plate no. L128LI, at Zeus Daniel Villaflor, mula Block 18 Lot 14, Mabolo Street, Ciudad de Esperanza.
Batay sa report ng Los Amigos Police Station, bandang 2:58PM noong Linggo, Hunyo 29 naganap ang insidente sa harap mismo ng nasabing himpilan ng pulisya sa nasabing lugar.
Base sa kuha ng video footage, nasagi ng isa sa mga motorsiklo ang kasunod nito, na naging dahilan ng pagsemplang ng tatlo pang rider.
Magkakasunod ang mga rider na bumibiyahe mula Barangay Calinan Proper patungong Barangay Mintal Proper nang bigla umanong prumeno ang isa sa mga ito, dahilan upang magsalpukan ang kasunod na tatlong motorsiklo.
Tinulungan naman ng pulisya ang mga sugatan na dalhin sa ospital para lapatan ng lunas ang mga tinamo nilang sugatan.
Nagkasundo naman ang mga sangkot sa insidente na hindi na magsasampa ng kaso. Mary Anne Sapico