MANILA, Philippines — Apat na katao ang iniulat na nawawala habang apat naman ang nasugatan sa sunog na tumama sa residential area sa Tengco Street, Barangay 107, Pasay City nitong Biyernes, Agosto 21.
Ayon kay Barangay 107 chairman Salvador Vargas, hinahanap pa ang apat na miyembro ng isang pamilya na hindi umano nakitang nakalabas ng kanilang bahay habang nagaganap ang sunog, ayon sa ulat ng GMA News.
Sinabi naman ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) na naiulat ang sunog dakong alas-1:35 ng hapon at itinaas sa ikalawang alarma pagsapit ng alas-1:52.
Idineklarang under control ang sunog dakong alas-3:45 ng hapon.
Apat na residente ang nagtamo ng paso at iba pang pinsala at agad na binigyan ng tulong ng mga bumbero at rescuers.
Tinatayang 30 pamilya ang naapektuhan ng sunog, ayon sa barangay.
Habang nagpapatuloy ang firefighting operations, tumulong din ang ilang residente sa pagpuno ng mga water tank ng fire trucks matapos kapusin ang suplay ng tubig ng mga rumespondeng bumbero.
Inilikas din ng mga residente ang kanilang mga alagang hayop habang kumakalat ang apoy.
Wala pang inilalabas na pinal na bilang ng mga nasunog na bahay at halaga ng pinsala sa ari-arian.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at ang kalagayan ng apat na iniulat na nawawala. RNT