MANILA, Philippines – NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na indibidwal na gumagamit ng mga pekeng dokumento na ibinibigay ng isang illegal na travel agency sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Miyerkules.
Sa isang pahayag na inilabas noong Biyernes, ibinunyag ng BI na una nang sinabi ng apat na pasahero na sila ay mga magkakasama sa opisina na bibiyahe sa Hong Kong.
Gayunpaman, sa pangalawang inspeksyon, inamin nilang hindi sila magkakatrabaho sa halip ay plano umano nilang magtrabaho sa ibang bansa bilang mga entertainer kung saan nagpakita sila ng mga pekeng dokumento para lumabas bilang mga lehitimong turista.
“We suspect that they are being sent to work as entertainers abroad. They admitted paying P30,000 to their travel agency who provided fraudulent stories and documents for them,” paliwanag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Ipinahagi ni Viado na ang lahat ng apat na naharang ay may kasaysayan ng iligal na trabaho sa ibang bansa, kung saan ang isang biktima ay umamin na dati nang ilegal na naglalakbay sakay ng bangka upang maiwasan ang mga inspeksyon sa imigrasyon.
“Tourist workers are tricked by their recruiters to present fraudulent documents or travel via illegal means just to be exploited abroad,” ani Viado.
Ang mga biktima ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang tulong at suporta. JR Reyes