MANILA, Philippines – Itinakda ng Commission on Elections (comelec) ang Local Absentee Voting (LAV) para sa May 2025 election sa Abril 28 hanggang 30.
Sa ilalim ng Resolution No.11091, itinakda ng Comelec ang LAV ng tatlong araw at bubuksan sa mga opisyal ng gobyerno at empleyado, miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) gayundin sa mga miyembro ng media.
Ang LAV ay isang sistema ng pagboto na nagpapahintulot sa mga kuwalipikadong indibidwal, na itinalaga upang gampanan ang mga tungkulin sa araw ng halalan na bumoto bago ang pangkalahatang publiko.
Pinapayagan silang bumoto para sa mga posisyon ng mga senador at party-list organization.
Para sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno, at mga miyembro ng AFP at PNP, maaari silang maghain ng kanilang mga aplikasyon sa kanilang mga pinuno ng mga opisina/superbisor/komandante/opisyal na susunod sa ranggo.
Para sa media, ang kanilang LAV applicatons ay ihahain sa Office of the regional Election Director-National Capital region para sa mga nasa Metro Manila; Office of the City Election Officer para sa Independent cities sa labas ng Metro Manila at Office of the Provincial Election Supervisor para sa lugar na hindi nabanggit.
Maaaring mag-file ng mga aplikasyon nang hindi lalampas sa Marso 7, 2025.
Mayroong kabuuang 84,358 na rehistradong mga botante ng LAV sa botohan noong Mayo 2022. Sa bilang, kabuuang 74,846 ang aktwal na bumoto para sa voter turnout na 88.72 percent. Jocelyn Tabangcura-Domenden