MANILA, Philippines – NATAGPUAN na ang dalawang menor de edad, isang lolo at isa pang lalaki makaraan ang ilang araw na rescue operation nang tangayin ang mga ito ng malaking baha sa kasagsagan ng malakas na ulan sa lalawigan ng Cavite.
Sa report, kinilala ang mga narekober na katawan na si Prince, 10-anyos na Grade 5 student ng Brgy Sampaloc 4, Dasmarinas City; Mohamad, 5-anyos at isang kinder; Jesus San Luis, 76 at isang 29-anyos na lalaki na mula sa Kawit, Cavite.
Ayon sa ulat, natagpuan ang katawan ni Prince bandang alas-9:49 ng umaga sa Brgy Datu Esmael, kasama ng nga inaanod na basura.
Matatandaan na bandang alas-3:00 ng hapon noong Hunyo 23 nang tangayin ng baha ang biktima habang naglalaro sa tapat ng kanilang bahay nang umapaw ang creek sa kanilang lugar.
Kasunod nito, dakong alas-2:28 naman ng hapon nang marekober ang katawan ni Mohamad sa Anabu Dam, Brgy Pasong Buaya 1, Imus City.
Bandang alas-4:00 ng hapon noong Hunyo 23 nang tangayin ito ng baha makaraang umapaw ang Bacao Creek sa kanilang lugar.
Alas-10:45 ng umaga naman nang marekober ang katawan ng 76-anyos na lolo sa creek ng Greenside Homes, Brgy Malagasang 2-D, Imus City matapos umano’y itong nahulog sa tulay ng Don Placido Campos, Brgy Sabang, Dasmarinas habang ito ay naglalakad bandang alas-4:00 ng hapon noong Hunyo 24.
Sa tala ng mga rescuer, dakong ala-1:45 kamakalawa ng hapon nang narekober ang katawan ng nawawalang 29-anyos na lalaki sa isinagawang search and retrieval operation ng Kawit MDRRMO, Kawit BFP at Philippine Coast Guard na unang napabalita na nalunod sa Brgy Gahak, Kawit Cavite. MARGIE BAUTISTA