MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Senador Loren Legarda para sa agaran at konkretong aksyon upang itaas ang antas ng kasanayan sa pagbasa ng kabataan, at palaganapin ang kanilang pagmamalaki sa kulturang Pilipino.
Binigyang-diin niya na ang paghahanda sa kabataan para sa pandaigdigang kompetisyon ay nagsisimula sa pagtitiyak na sila’y marunong bumasa, umunawa, at yakapin ang sariling pagkakakilanlan.
“Sa mga nakalipas na taon, kinaharap natin ang krisis sa mababang estado ng kakayahan ng ating kabataang bumasa at umintindi,” pahayag ni Legarda sa paglulunsad ng Wikaharian 2, isang proyektong sinusuportahan ng senadora kasama ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Department of Education (DepEd), at ang Knowledge Channel Foundation, Inc. (KCFI).
“Batay sa resulta ng 2022 Program for International Student Assessment (PISA) at sa inilabas na pag-aaral ng World Bank noong 2024, lumalabas na 91% ng batang Pilipino na nasa edad sampu ay hindi marunong bumasa at umunawa ng isang maikling kuwentong angkop sa kanilang edad,” diin ni Legarda.
Bilang tugon sa hamong ito, nakipag-ugnayan ang NCCA, sa suporta ni Legarda, sa KCFI upang likhain ang Wikaharian 2, isang makabago at nakaaaliw na educational video series na layuning gawing mas kaaya-aya at abot-kamay para sa kabataan ang pag-aaral ng wikang Filipino, kultura, at mga pagpapahalaga.
Ang Wikaharian 2 ay isang animated series na nakatuon para sa mga mag-aaral sa Baitang 2. Ito ay pagpapatuloy ng unang 50 episodes ng Grade 2 Filipino series na inilabas noong 2022.
Noong 2020, nagtulungan ang KCFI at NCCA upang makabuo ng 80 maiikling video lessons, na may habang 8 hanggang 10 minuto bawat isa, kalakip ng session guides. Ang mga araling ito ay gumamit ng mga lokal na kuwento, kultura, at kontekstong Pilipino bilang pundasyon sa pagtuturo ng unang hakbang sa pagbasa para sa mga mag-aaral sa Baitang 1.
Ayon sa pag-aaral ng KCFI noong 2020, malaki ang naitulong ng mga episode hindi lamang sa karaniwang mag-aaral, kundi lalo na sa mga at-risk readers o yaong mga may mataas na posibilidad na mabigong makasabay sa pag-aaral.
“Hindi natin maikakaila ang krisis sa kakayahan ng kabataang bumasa at umunawa. Ngunit hindi rin natin isusuko ang kinabukasan ng ating kabataan. Kaya tayo naririto ngayon,” ani Legarda, na siyang naglaan ng sapat na pondo para sa produksyon ng Wikaharian.
“Ang bawat salita at kataga, bawat kuwentong bayan, at mga piraso ng ating kultura at kasaysayan ay hindi lamang bahagi ng kanilang pagkatuto. Ito ay magsisilbing pundasyon ng kanilang pagkatao—bilang isang Pilipinong may alam, may dangal, may malasakit, may pagmamalaki, at may buong tapang na harapin ang mundong punong-puno ng hamon at pagbabago,” dagdag niya. Ernie Reyes