Home METRO 4 patay sa pagsalpok ng kotse sa mixer truck

4 patay sa pagsalpok ng kotse sa mixer truck

MANILA, Philippines – Patay ang apat na indibidwal habang sugatan ang tatlo iba pa nang bumangga ang isang kotse sa cement mixer truck sa Dumaguete City, Negros Oriental nitong Sabado, Hunyo 22.

Sa ulat ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO), sinabi na ang mga nasawi ay pawang mga pasahero ng Toyota Avanza at mula sa Luzon.

Sinabi ni NOPPO spokesperson Lt. Stephen Polinar na itinago muna ang pagkakakilanlan ng mga biktima na isang lalaki at tatlong babae, habang hindi pa ito nasasabi sa mga kapamilya.

Sa imbestigasyon, binabagtas ng Avanza ang southbound lane ng kalsada alas-4 ng umaga nang makabanggaan nito ang truck na galing naman sa northbound direction sa pakurbang bahagi ng diversion road sa Barangay Batinguel.

Dead on the spot ang apat na biktima.

Samantala, dinala sa Silliman University Medical Center ang tatlo pang mga sugatan na edad 17, 15 at 19.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang 43-anyos na drayber ng mixer at nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicides at multiple physical injuries.

Hiniling naman ang post-mortem examination para sa apat na nasawi. RNT/JGC