OSAKA – Isa sa mga pangunahing inobasyon ng Philippine Basketball Association (PBA) sa pagbubukas ng Season 49 nito ay ang four-point shot na sisimulan sa Governors’ Cup para sa mga shot na lampas sa isang bagong arc na 27 talampakan mula sa basket.
Sinabi ng bagong halal na chairman na si Ricky Vargas na ang four-point shot ay kabilang sa ilang pagbabago sa panuntunan na inaprubahan ng board sa unang araw ng sesyon ng pagpaplano nito sa Swissotel Nankai.
Isang arko na may sukat na 27 talampakan ang ilalagay sa court sa panahon ng mga laro. Mananatili ang three-point line, na may sukat na 23 talampakan.
Unang ipinakilala ng 49-anyos na liga ang creative rule noong 2023 All-Star games sa Passi City, Iloilo, at napanatili sa parehong mid-season event noong 2024 edition sa Bacolod City noong unang bahagi ng taong ito.
“There’s several rule changes that we’re anticipating and one of them is the four-point play,” ani Vargas.
Sa huling All-Star, nasaksihan ng liga ang kauna-unahang five-point play nito nang tumama si Robert Bolick mula sa four-point line at na-foul ni Calvin Oftana may 17 segundo pa.
Naipasok niya ang bonus na free throw para sa Team Mark para tapusin ang All-Star game na tumabla sa Team Japeth, 140-140.
“Ang feeling ko diyan bibilis ang laro and mahihirapan kang maglaro ng zone,” wika ng newly-elected board vice chairman Alfrancis Chua.
“Kasi kung maka-shoot sila ng ganoon kalayo, kailangan mong i-extend ang zone. So basically, mag ma-man-to-man lahat (ng teams),” dagdag ni Chua, dating coach ng Tanduay at Barangay Ginebra.