MANILA, Philippines – Hindi isasaprayoridad ng Senado ang divorce at death penalty bills.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Francis Escudero matapos magbukas ang ikatlong regular session ng 19th Congress sa Mataas na Kapulungan bago ang ikatlong State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“No, it will not, but it does not necessarily mean that it will not be tackled,” ayon kay Escudero.
Binanggit niya ang karanasan nang siya ang chairperson ng Senate Committee on Higher Education, kung saan bagama’t tutol siya sa kontrobersyal na Reserve Officers’ Training Corps bill, itinalaga pa rin niya ito sa ibang senador.
“All 23 of us now have their own respective principles and beliefs and will vote according to what they believe is right — regardless of the branding media or anyone else would like to make,” dagdag pa niya.
Ang divorce bill ay inaprubahan ng Kamara sa second regular session noong Mayo 22.
Samantala, sa survey na isinagawa ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, napag-alaman na mahigpit ang laban sa pagitan ng mga tutol at sumusuporta sa divorce bill sa Mataas na Kapulungan. RNT/JGC