MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang apat na puganteng Japanese na wanted sa kanilang bansa dahil sa telecommunications fraud.
Sinabi ng Bureau of Immigration fugitive search unit (BI-FSU) na tatlo sa mga suspek ay naaresto sa Paranaque.
Kinilala ang mga ito na sina Ueda Koji, 27, Kiyohara Jun, 29, at Suzuki Seiji, 29.
Samantala, ang 39-anyos na si Sawada Masaya ay naaresto naman sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BI, ang mga dayuhang ito ay inaresto sa ilalim ng mission order na inisyu ni Commissioner Norman Tansingco matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Japanese government ng kanilang criminal na aktibidad.
Nakita sa rekord na ang mga ito ay mayroong outstanding warrants of arrest mula pa noong Mayo 2024, na inisyu ng Omiya Summary Court dahil sa fraud na lumalabag sa Japanese Penal Code.
Napag-alaman na ang mga ito ang founding members ng telecom fraud syndicate na nakabase sa Cambodia, at may mga reklamong criminal na may kaugnayan sa unlawful capture, confinement, extortion, at fraud.
Nahaharap sa deportation charges ang mga suspek. RNT/JGC