Home METRO 4 sa 5 nakapugang preso tinutugis

4 sa 5 nakapugang preso tinutugis

PARANG, Maguindanao del Norte- Puspusan ngayon ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad para maibalik sa kulungan ang apat sa limang preso na nakatakas noong Sabado sa lock-up facility ng Parang Municipal Police Station.

Kinilala ang mga nakapugang sina Sadam Diamla, Panginima Alo, Brgy. Ruminimbang, Barira Maguindanao del Norte; Allan Gum, residente ng Brgy. Sapad, Matanog Maguindanao del Norte, at Ruben Dadigan Jr., residente ng Brgy. Sarmiento Parang Maguindanao del Norte habang agad naman nadakip ang isa na si Alex Sanday na may kasong illegal drugs at residente ng Brgy. Nituan Parang Maguindanao del Norte.

Batay sa report ng Parang MPS, bandang ala-1:59 ng madaling araw nang mapansin ng kapalitan na pulis na bukas ang selda ng mga suspek.

Sa kuha ng CCTV footage, tumakas ang limang suspek sa pamamagitan ng paggamit ng lagaring kamay bandang ala-1:20 ng madaling araw.

Ayon kay Lt. Col. Christopher Cabugwang, hepe ng Parang MPS, naglagay na sila ng mga checkpoint sa kalapit na bayan para sa agarang pagdakip sa mga suspek.

Inilabas na rin ang mga larawan ng mga nakapugang suspek at humingi ng tulong sa publiko na agad ipagbigay-alam sa kanilang himpilan sakaling makita nila ang mga ito.

Sa ngayon ay nasa restricted custody ang mga pulis na naka-duty para sa gagawing imbestigasyon.

Dinakip na rin ang kaanak ng isa sa mga preso na nagdala ng lagari sa loob ng piitan. Mary Anne Sapico