Home HOME BANNER STORY 4 senador natira sa 5 kumontra sa arrest warrant vs Quiboloy; JV...

4 senador natira sa 5 kumontra sa arrest warrant vs Quiboloy; JV umatras

MANILA, Philippines- Nabawasan ang suporta ni Senador Robin Padilla na kumokontra sa warrant of arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy matapos bawiin ni Senador JV Ejercito ang lagda sa dokumento.

Unang sinabi ni Padilla na nakakuha siya ng apat na senador na sumusuporta sa kanyang panukalang kontrahin ang pagpapalabas ng arrest warrant bilang miyembro ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality alinsunod sa itinakda ng Rules of the Senate.

Kailangan ni Padilla ng walong lagda upang ibasura ang contempt charges laban kay Quiboloy na magpapalabas sa arrest warrant.

Nakipag-usap na rin umano siya kina Senador Grace Poe at Raffy Tulfo na nagpaliwanag kung bakit hindi nila sinusuportahan ang pagkontra sa contempt chages ni Senador Risa Hontiveros.

Nakatakda pang magbigay ng kani-kanilang posisyon ang ibang miyembro na sina Senador Nancy Binay, Pia Cayetano, Mark Villar, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Majority Leader Joel Villanueva.

Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ni Hontiveros sa paratang na human trafficking at sexual abuse na kinasasangkutan ni Quiboloy at iba pang miyembro nito, kinasuhan si Quiboloy matapos itong balewalain ang subpoena na ipinalabas ng Seanado.

Kinontra ni Padilla ang mosyon.

Sa ilalim ng Section 18 ng Rules of Procedures Governing Inquiries in Aid of Legislation na nagsasabing, “a majority of all the members may… reverse or modify the aforesaid order of contempt within seven days.”

May 14 miyembro ang komite kaya kailangan ni Padilla ng walong senador upang maibasura ang pagpapalabas ng arrest warrant. Ngunit, sa halip na dumami, nabawasan dahil umatras si Ejercito sa orihinal na limang senador na lumagda.

Ikinatuwiran ni Padilla na kaya nito tinututulan ang pag-aresto kay Quiboloy dahil nasa kamay na ng Department of Justice ang isyu.

Tinututulan din niya ang imbestigasyon “in aid of legislation” na kinasasangkutan ng isang relihiyon na mahigpit na tinututulan ni Hontiveros dahil hindi nakasentro ang imbestigasyon sa KOJC kundi sa krimen at pang-aabuso na ginawa ni Quiboloy sa miyembro nito na pinagtatakpan ng relihiyon.

“Para sa akin deserve niya ang aking suporta na mapunta siya sa korte, sa judiciary. Hindi ako naniniwalang in aid of legislation. Makakagawa tayo ng mga bill ngayon na maapektuhan ang KOJC,” wika niya.

Para naman kay Villar, sinuportahan niya ang pagkontra sa pag-aresto kay Quiboloy dahil matagal na nilang kaibigan ang lider ng KOJC.

“Kaibigan ko si Pastor Quiboloy. Mabait siya sa aming pamilya…Matagal ko na siya kilala. Parang ‘di naman siya ‘yung gagawa ng ganon. Kami ni Imee pareho namin siyang kilala. As well ‘yung mga Mindanaoan. Maayos naman siya… nakakahiya naman na ako pahuhuli ko siya. Diyos ko. You don’t do that to a friend,” aniya.

“‘Di ko na siya kailangan sa election kasi kaibigan ko siya. I don’t worry about him during elections. Napunta ko sa kanya pag birthday niya at saka may affair ang church, not during election,” dagdag niya.

“Hindi nahingi ng pera ‘yan… As a religious leader ko siya kilala. Hindi political, hindi sa business,” aniya pa.

Samantala, sinabi ni Ejercito sa text message na, “Secretary Remulla already announced the filing of cases. It will be moot and academic as the Senate can only recommend filing of such, since DOJ will be filing soon as announced.”

Aniya pa: “more procedural practicality rather than public’s perception [that] we’re defending.”

Inihayag ng DOJ na nakatakdang magsampa ng qualified human trafficking at child abuse cases laban kay Quiboloy.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinagbigyan ang petition of review, na inatasan ang Office of the City Prosecutor of Davao City na magsampa ng kaso laban kay Quiboloy ng sexual abuse of a minor noong 2011, na pawang paglabag sa Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Nakatakdang isampa sa Pasig City Court ang kasong qualified trafficking. Ernie Reyes

Previous articleGamot sa cancer, hypertension swak sa VAT-exempted drugs
Next articlePuganteng Hapon arestado ng BI sa Pasay