MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Japanese national na wanted ng mga awtoridad sa Tokyo dahil sa kaso nitong large-scale theft.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pugante na si Takayuki Kagoshima, 55, na inaresto noong Marso 4 sa Roxas Blvd., Pasay City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.
Sinabi ni Tansingco na inaresto si Kagoshima sa bisa ng warrant na inilabas alinsunod sa summary deportation order ng BI board of commissioners laban sa mga Hapon noong Oktubre 2023.
“In view of the fact that he was already ordered deported for being an undesirable alien, he will be sent back to Japan as soon as we have secured the required clearances for his departure,” ani Tansingco.
Idinagdag niya na ang pangalan ni Kagoshima ay kasama na sa blacklist ng Immigration, kaya hindi na siya muling makakapasok sa Pilipinas.
Batay sa kanyang rekord, lumabas na siya ay overstaying dahil ang huling pagdating niya sa bansa ay noong Nob. 7, 2022.
Ayon sa mga awtoridad ng Japan, si Kagoshima ay napapailalim sa isang warrant of arrest na inisyu ng korte sa Fukuoka prefecture kung saan siya ay kinasuhan ng pagnanakaw na paglabag sa Article 235 ng Japanese Penal Code.
Inakusahan ng mga awtoridad na si Kagoshima ay miyembro ng “JP Dragon syndicate” na nagplanong magnakaw ng mga cash card mula sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga pulis.
Napag-alaman pa na si Kagoshima ay isang undocumented alien dahil ang kanyang passport ay binawi na ng Japanese government.
Ang nasabing dayuhan ay kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang hinihintay ang pagpapatupad ng kanyang deportasyon. JAY Reyes