MANILA, Philippines – Dumalo na sa nagpapatuloy na House panel inquiry kaugnay sa paggamit ng badyet ng Office of the Vice President at Department of Education sa ilalim ni Vice President Sara Duterte, ang apat na empleyado ng OVP na ipinatawag ng Kamara.
Kasama ng kanilang mga abogado, dumalo sina Lemuel Ortonio, Gina Acosta, Sunshine Fajarda, at Eduard Fajarda sa pagdalo matapos ma-cite in contempt at banta na maglalabas ng arrest warrant laban sa kanila dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa pagdinig.
Naniniwala ang House Committee on Good Government and Public Accountability na masasagot ng apat ang mga tanong kaugnay sa disbursement ng mahigit P612 milyong halaga ng confidential funds na nakuha ng OVP at DepEd.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, chairperson ng panel, nagpadala ang apat ng “feelers” nitong Linggo, Nobyembre 24 kaugnay sa kanilang pagdalo sa pagdinig ngayong Lunes.
Nagbabala ang mga mambabatas noong nakaraang linggo laban sa apat na mahaharap ang mga ito sa criminal at administrative charges kung patuloy nilang iisnabin ang imbitasyon at subpoena na inisyu ng House panel. RNT/JGC