Home METRO 4 suspek sa brutal na pagpatay sa college stude sa GenSan nasakote...

4 suspek sa brutal na pagpatay sa college stude sa GenSan nasakote sa drug buy-bust ops

319
0

GENERAL SANTOS CITY, Philippines – Inaresto ng pulisya ang apat na suspek sa brutal na pagpatay kay Miyuki Porcari Kim, 21 taong gulang, isang graduating college student, na natagpuang patay at tadtad ng saksak sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Apopong noong Disyembre 8, 2025.

Ang mga suspek na kinilalang sina, “Aron” (22), “Jimboy” (35), “Inday” (52, lalaki), at “Oblong” (28) ay pawang nakatira sa Barangay Apopong.

Naaresto si Aron at Jimboy sa buy-bust operation sa National Highway, Barangay Tambler noong Disyembre 13.

Nasamsam sa kanila ang 30.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱204,000, kasama ang buy-bust money at mga cellphone.

Si Inday naman ay naaresto sa Barangay Conel, kasama ang shabu na nagkakahalaga ng ₱105,400, isang traysikel, at iba pang kagamitan, samantalang si Oblong ay nahuli sa Barangay Calumpang sa hiwalay na anti-drug operation.

Ayon sa salaysay ni Aron, siya ang nagbantay habang sina Oblong at Inday ang diumano’y umatake kay Kim sa isang drug-motivated robbery.

Sinabi ng pulisya na pumasok ang mga suspek sa bahay ni Kim noong gabi ng Disyembre 7 para magnakaw.

Nang tinangka ni Kim na humingi ng tulong sa kanyang ina, siya ay sinaksak at pinatay.

Pinutol din nila ang kuryente at mabilis na tumakas sakay ng traysikel.

Ayon sa imbestigasyon, kilala ng pamilya ni Kim ang mga suspek, dati na silang pinagkakatiwalaang maghatid ng pagkain kay Kim.

Itinanggi ni Oblong ang pagkakasangkot, sabi niya umalis siya sa lugar noong gabing iyon.

Patuloy ang imbestigasyon, kasama ang pagsusuri ng forensic evidence, testimonya ng mga saksi, at mga confession. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here