Home NATIONWIDE 4 tauhan ng NICA arestado sa extortion

4 tauhan ng NICA arestado sa extortion

MANILA, Philippines – Naglunsad ng imbestigasyon ang National Intelligence Coordinating Agency matapos maaresto sa umano’y extortion ang apat sa kanilang mga tauhan.

Ang apat na NICA officers ay naaresto ng NBI matapos ang tangkang extortion ng aabot sa P2 milyon mula sa isang Korean national sa Pasay City.

Ayon sa NICA, nagsasagawa na sila ng sariling imbestigasyon sa kanilang mga tauhan at iginiit na seseryosohin nila ang alegasyon ng misconduct sa mga ito.

Gagawa rin ng nararapat na aksyon ang ahensya sa oras na mapatunayan ang alegasyon.

Ayon sa biktima, mayroon pang dalawang kasabwat bukod sa apat na naarestong suspek.

Sa impormasyon, nagpakilala umano ang mga ito bilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at Office of the President at sinabing ang biktima ay may kasalukuyang kaso sa BI.

Isinalaysay ng biktima kung paano siya nagbayad sa mga suspek ng P450,000 upang hindi umano isilbi ang kanyang arrest warrant.

Nanghingi pa ng karagdagang salapi ang mga suspek upang maayos ang kaso nito.

Dito na nagsumbong ang biktima sa NBI na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. RNT/JGC