MANILA, Philippines- Arestado ng mga operatiba ng Makati City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang apat na indibidwal sa ikinasang buy-bust operation Huwebes ng gabi, Enero 16.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director PBGEN Manuel Abrugena ang mga nadakip na suspek na sina alyas Toto, 27; alyas Wendell, 38; alyas Haydo, 53; at isang alyas Lolo Jo, 50.
Base sa report na isinumite ng Makati City police kay Abrugena, nangyari ang pagdakip sa mga suspek sa ikinasang buy-bust operation bandang alas-7:10 ng gabi sa Arsonvel Street, Barangay San Isidro, Makati City.
Napag-alaman kay Abrugena na naging matagumpay ang pag-aresto sa mga suspek matapos maglatag ng buy-bust operation ang SDEU at magpanggap ang isang operatiba bilang buyer ng shabu.
Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspek ang walong plastic sachets na naglalaman ng 20 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng ₱136,000; isang pouch, dalawang mobile phones; at ang ₱500 na ginamit bilang buy-bust money na nakapatong sa 15 piraso ng tig-₱500 bills na counterfeit money.
Ang nakumpiskang ilegal na droga ay dinala sa SPD Forensic Unit para isailalim sa chemical analysis habang ang mga inarestong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) na nakapailalim sa Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police. James I. Catapusan